Sunday, October 19, 2008
Walang Katumbas
Walang kahapon
Hindi pa tapos ang ngayon
Tayo lang ang narito
Tayo lang
Walang ibang daang tatahakin
Walang ibang panahong uubusin
Ngayon ang araw
Ngayon
Hindi ko mapipigil
(mawawala ba ang aking dangal?)
Ang aking kapalaran
(meron bang sa 'ki'y mag-aalaga?)
Pinagkakatiwalaan ko ang aking kalul'wa
(magigising pa ba 'ko bukas)
Ang aking tanging pag-asa
(mula sa bangungot na ito?)
Ngayon
Dito
Mabuhay nang umiibig
O mabuhay sa takot
Walang ibang daang tatahakin
Walang ibang panahong uubusin
Ngayon ang araw
Ngayon
Dahil hindi tumitibok ang puso ko
'Pag wala ka
Wala ako kung wala ka
Patay
Walang buhay
Wala nang ibang araw kundi ngayon
Wala na
Friday, October 10, 2008
Biyaheng Markus Highway
Malaki ang naging papel niya sa musika ng Eraserheads na humulma sa Pinoy rock noong dekada 90. Siya rin ang nagbigay sa mga kakaibang pamagat ng mga album ng Eraserheads, pati na ang pagsulat sa mga kantang Escalator Alligator, Wala, at Toyang.
Muli ngang nagbalik sa spotlight si Marcus Adoro, dating lead guitarist ng Eraserheads. Mahaba ang buhok, may nakasabit pa ring gitara sa balikat at tangan sa isang kamay ang isang bote ng beer. At 'di tulad ng dati, ang atensyon ng manonood ay kanyang-kanya habang tumutugtog sa entablado.
Kamon! Kamon!
Pagkatapos ilabas ng Eraserheads noong 2001 ang Carbon Stereoxide, ang kanilang ikawalo't huling album, sinimulan na ni Marcus ang pagprodyus ng isang solo album na pinamagatan niyang Kamonkamon, na hango sa pangalan ng alaga niyang aso.
Eclectic ang nasabing album ni Marcus na kinatampukan ng mga musikang electronica at dance hanggang folk at alternative rock. Karamihan sa mga kanta'y kolaborasyon kasama ang iba pang rock icon tulad nina Pepe Smith at Dong Abay.
Taong 2002 nang tuluyan nang iniwan ni Ely Buendia ang Eraserheads at nagsimula na itong magkawatak-watak. Habang binubuo ni Ely ang Mongols at habang ang iba'y sumanib na sa iba't ibang banda, lumayo muna si Marcus sa spotlight. Sa halip, tumungo siya sa La Union para mag-surf, isang libangang matagal na niyang gustong subukan.
Matapos ang ilang aberya sa isang recording company, naging independent din sa huli ang produksyon ng Kamonkamon. Bilang marketing campaign, sinabi niyang prinodyus ang album para makabili ng surfboard, bagay na pinabulaanan din niya sa huli. Aniya, “Nag-eksperimento ako sa ka-indie-han nu’n. Sinubukan kong maging record company na maliit. Nung una, naglabas ako ng press release (PR) na kailangan kong mag-raise [ng perang pambili] ng surfboard. Pero, hindi naman talaga ‘yun, eh… may surfboard na ko nun,”
Pinahinto rin niya ang pagbenta ng mga cassette nang maabot na nito ang halaga ng isang surfboard upang panindigan ang kanyang PR. At ginamit niya ang perang nalikom para sa paggawa ng isa pang album.
Surfernando: the Adventures of Belma and Luis ang pamagat ng sumunod na EP ni Marcus. Lumabas ito ilang buwan lang mula ng mailabas ang Kamonkamon. Nagkaroon ito ng apat na bersyon: Urfer Magazine na ibinenta sa Mag:net cafe, Duckdive sa BigSkyMind, American Gurl, at Submarine.
Nagsimula na muling tumugtog si Marcus sa mga bar sa Maynila. Minsan nga niyang nakasama sa isang konsiyerto ang dating mga kasamang sina Buddy at Raymund. Ngunit sa mga pagkakataong ito, kinikilala na siya sa alter ego niyang Surfernando.
Sinimulan ni Marcus sa Surfernando ang pagpinta sa isang bagong buhay bilang lokal na surfer sa mga dagat ng La Union. Inakyat niya ang mga bundok at sinakyan ang mga alon. Ngayon, nagbabalik siya upang muling makipag-rakenrol.
Behold! Rejoice! Surfernando is Here nah!
Markus Highway sa ngayon ang alter ego na ginagamit ni Marcus na pangalan din ng bandang kasalukuyan niyang kinabibilangan. Kasama niya rito sina Mike Silva, Earl Tabasuarez, Clark Tresmonte at Biboy Chacon.
Nabuo nila at nailabas noong Enero ang Behold! Rejoice! Surfernando is Here nah! na isang pagpapatuloy ng EP na Surfernando. Limang kanta sa naturang album ang nagpapakita pa rin ng pagkahumaling ni Marcus sa surfing.
Magsisimula ang album sa mga awiting Lala at Ingat kung saan nagpapayo si Marcus sa tamang paggawa ng kanta at naglalarawan ng tamang asal sa isang relasyon. Sinundan naman ito ng isang nostalgic na pagbabalik-tanaw niya sa buhay-Eheads sa awiting Batch 88.
Naging mungkahi ni Marcus sa album na ito ang pagsusulong ng lokal na turismo gamit ang surfing. “Maganda ang surfing [bilang sport]..bukod sa makikita mo rito ang ganda ng Pilipinas, dapat isali nila ito sa curriculum ng PE” aniya. Sa katunayan, sinulatan pa niya si Luli Arroyo, anak ng pangulo, tungkol potensyal na ito ng surfing.
Nasa mga sumunod na awiting Wow Kalabaw, Drivethru at Bonfire ang naturang paninindigang ni Marcus. Dito niya binabanggit ang kagandahan ng Pilipinas, lalung-lalo na ng buhay na malayo sa lungsod. Sa Wow Kalabaw niya niyayaya ang lahat na tuklasin ang bansa. “Halina't mamasyal sa pitunlibo't sandaang isla/ Iwanan ang lahat at maging turista”, paanyaya niya sa kanta.
Pahapyaw din nitong inilalarawan ang kalagayan ng bansa. Sa Drivethru, nabanggit niya na “Sa lubak baka si misis ay mapaanak” bilang pagsasalarawan sa mga atrasadong kalagayan ng mga kalsada sa mga probinsya. Samantala, sa Miss Nurse, ikinukwento niya ang patuloy pa ring pag-alis ng mga nars sa bansa.
Binabalik ni Marcus sa album na ito ang dating tunog ng Eheads noong nag-uumpisa pa lamang ito. Walang pagpapanggap at madaling sabayan ang mga awitin dala ng magandang pagkakaayos, kahit na kung minsan mga uri ng herbal tea at fast food ang kakatwang pinoproblema sa isang kanta habang may nababanggit pang mga alien sa California sa ibang kanta.
Dumadaluyong sa hangin ang mga awit ni Marcus tulad ng mga tugtuging folk kahit na nalalapit ang mga awitin sa kategoryang novelty at rock. Mapapansin ding may pag-uulit sa koro ng mga kanta. “Lalala,” “dubidubi” ang iilan sa mga halimbawa nito na sa kantang Miss Nurse ay paulit-ulit na kinakanta. “Minsan, hook siya..device para lalong matandaan” ayon kay Marcus.
Malayo na ang narating ng musika ni Marcus. Kung dati alternative ang tugtugan niya sa Eheads, experimental sa Kamonkamon at Surfernando na pinaghalong reggae at electronica, ngayon, pinagsama-sama niya ang lahat ng ito sa Markus Highway.
Daang highway
Sa kanyang pagbalik, mas lalong nakilala ng madla ang Marcus Adoro na dati'y tumutugtog lang habang “tahimik sa sulok,” ayon sa kanya. Kung dati'y laging si Ely ang nasa spot light, ngayo'y mas lalong nagkaroon ng pagkakataon si Marcus na ipakinig ang sarili niyang musika.
Patuloy siya sa paglikha ng mga kanta at sa pagkakataong ito, isinanib niya ang pagkahilig sa surfing sa musika. Paraan niya ito ng pagpapahayag ng sarili at pagbalikwas sa anino ng Eheads na patuloy pa rin siyang sinusundan.
Napapanahon din marahil ang muling pagbabalik ni Marcus dahil kung tutuusin, napag-iwanan na siya ng mga dating kasama. At dahil unti-unti nang nawawala ang mga awiting tulad ng ginagawa niya ngayon, “musikang Pinoy at Pinoy din ang timpla,” ang sinasabing handog ni Marcus sa kasalukuyang musikang Pilipino.
Hindi na niya kailangang sumunod sa uso. Hindi na rin niya “kailangan pang magsuot ng maskara,” ika nga niya. Kaagapay ng kanyang husay sa pagsulat ng mga titik at pagtugtog ng gitara habang tangan ang kasalukuyang alter ego niya, naging daan ang Marcus Highway para muling balikan at pana-panahong lisanin ang Maynilang noon at ngayo'y tumatangkilik pa rin sa bawat pihit niya sa mga kwerdas ng gitara.
(nailathala sa Philippine Collegian, issue #15)
Sunday, September 14, 2008
School Spirit sa tala ng Alaala
UP shirt, lanyard at maroon jacket. Buong katawan na yata ni Trina'y tatak-UP. Unang pagkakataon kasi niyang makapanonood ng UAAP cheerdance competition. Sabik na sabik na siya nung gabi pa lang bago ang patimpalak.
Kaya naman nasa Araneta Coliseum na siya alas-siyete pa lang ng umaga para makakuha ng tiket. Maaga siyang dumating para mauna, ngunit metro-metro na pala ang haba ng pilang kanyang nadatnan.
Doon pa lang, madali nang malaman kung saang unibersidad nagmumula ang isang manonood. Ang mga estudyante mula sa mga pamantasang matatagpuan sa Taft at Katipunan ay madalas nakapila sa lower box at patron seats ng Coliseum. Habang ang karamihan nama’y naggigitgitan sa general admissions kung saan nakasisigurong mura ang tiket. Meron din namang mga nakapila sa mga scalper -- ‘yung mga naubusan na ng pasensya sa paghihintay.
Ramdam na ang tensyon sa paligid kahit sa pila pa lang para sa mga tiket. Kumpul-kumpol ang mga magkakapareha ang kulay ng damit. May mga nagpaparinig at nagyayabangan. “Walang duda pare, mababawi natin ang atin naman talaga," nasagap ng kaliwang tenga ni Trina. Sa kanan naman narinig niyang sinambit, “naku, di na natin kailangang magmayabang... ipaubaya na natin sa squad ang lahat.”
Halos limang oras ding nakatayo sa pila si Trina bago siya makakuha ng tiket na agad naman niyang binulsa upang makasigurong hindi ito mawawala. Sumenyas na ng gutom ang kanyang tiyan ngunit binalewala niya ito't tumakbo pa papuntang entrance ng general admission, kung saan maririnig ang nakabibinging hiyawan ng mga dumalo. Ito na yata ang tunog ng tinatawag nilang "school spirit."
UP and others
Tensyonado sa loob ng coliseum na patuloy na dinadagsa ng mga taga-suporta ng iba’t ibang cheering squad. Hindi pa man nagsisimula ang kumpetisyon, nagpakitang-gilas na ang mga drummers ng bawat unibersidad na sinabayan naman ng mga sigaw at palakpakan ng mga manonood.
Kung anu-ano rin ang pakulo ng bawat eskuwelahan para lang mapakitang sila ang magaling. May mga nagtsi-cheer na sinabayan ng organisadong galaw ng mga kamay at ulo ng mga kalahok. Iwinagayway ang mga banderitas at mga lobong sumisimbolo sa kani-kanilang unibersidad. Nagsilabasan din ang mga tarpaulin na sadyang nangungutya sa ibang pamantasan tulad ng “400 years of existence is nothing compared to 100 years of excellence.”
'Di nagtagal ay napuno na ng ang paligid. Halos magkapalitan na ng mukha ang mga tao sa labis na siksikan, lalo na sa kinatatayuan ni Trina. Tinatayang nasa 23, 440 ang bilang ng mga estudyanteng nasa Araneta ayon sa emcee. Eto na raw ang nanood sa isang patimpalak sa kasaysayan ng UAAP.
Napaisip tuloy si Trina habang pinapanood ang mga nagtitilian sa paligid. Hinalughog niya ang kanyang alaala upang matandaan kung kailan huling nagbuklod ang lahat nang tulad sa UAAP.
Tila tumahimik ang paligid nang simulang bagtasin ni Trina ang mga kwento't alaala ng mga taga-UP. Marahil mula sa tagpi-tagping naratibo, higit na mabibigyang saysay at damdamin ang paghiyaw, pagpalakpak, at pag-indak sa saliw ng chant ng ipinagmamalaki niyang Pep Squad.
Let's go, UP!
Bumalik sa realidad ang lumilipad nang isip ni Trina at kanyang napagtantong UP Pep Squad na pala ang susunod. Lumunok muna siya bilang paghahanda sa mga gagawin nilang pagsigaw.
Natapos ang commercial break, nag-drum roll, at sumenyas ang cheerleaders. Isa, dalawa, tatlo!
Matatapang, matatalino...
buong giting na sigaw ni Trina at ng kanyang mga katabi bilang pagpugay sa mga iskolar ng bayan. Naalala niya ang kwento sa kanya ng isa niyang propesor ukol sa tungkuling ginampanan ng mga taga-UP lalung-lalo na noong Batas Militar. Ayon sa propesor niya, naging mapanuri sila sa lipunan at mula sa mga pagsusuri nila bumuo sila ng mga paninindigang tuwirang sumagupa sa diktaduryang Marcos.
Tunay ngang matatapang ang mga iskolar ng bayan. Habang hindi na maipagkakaila ang talino't husay ng mga estudyante ng pamantasang kinikilalang pinakaprestihiyoso sa buong bansa, hindi maminsan ang mga pagkakataong pinili nila ang mga mas masalimuot na landas upang makapagsilbi sa bayan.
Walang takot kahit kanino...
Bawal diumano ang kimi sa UP. Kahit presidente ng bansa, tinutuligsa – bagay na nagdulot na rin ng 'di-mabilang na pasa, sugat, pilay, luha, pagkawala, at kamatayan. Sa loob ng klasrum, hindi sinasanto ang simbolikong kapangyarihan ng guro basta maipahayag lang ang saloobin.
Sa isip ni Trina, naging manipis na papel ang mga katunggaling cheering squad. Hindi sila dapat katakutan.
Hinding-hindi magpapaapi...
Tumpak na tumpak, sa isip ni Trina. Dahil hindi hinayaan ng mga taga-UP noong araw na iyon na kantyawan lang sila ng basta-basta dahil sa mahinang rekord sa ibang patimpalak sa UAAP. Sa araw na ito, lubos na pinaniniwalaan ni Trina na pag-aari ng UP ang araw at ang coliseum.
Ganito rin kasi ang kaso, ayon sa mga kwentong narinig niya mula sa mga upperclassmen. Hindi mo marinig na nanahimik ang mga taga-UP nang taunang binabawasan ng budget ang pamantasan. Sinubukan pa nga nilang barikadahan ang Quezon Hall noon para pigilan ang pagpapasa sa tuition increase sa pamantasan. Minsan na ring idineklarang “state of emergency-free” ang kampus ng UP noong ideklara ito ng Pangulong Arroyo. Patuloy din nilang sinisingil ang militar sa pagkawala ng dalawang kapwa iskolar ng bayan na sina Karen at She.
Ganyan kaming mga taga-UP...
Sa huling linya'y napangiti si Trina. Alam niya ang katuturan ng pagiging iskolar ng bayan.
Muling nanumbalik ang ingay sa loob ng coliseum nang matapos ang routine ng UP Pep Squad at natuldukan ang rekoleksyon ni Trina. Nakatindig pa rin ang kanyang mga balahibo. Tila pagka-high sa sinasabing school spirit ang nadarama niya.
At sa sandaling iyon, hindi na kailangang hintayin pa ang desisyon ng mga hurado. Panalo na ang UP. Dahil ang totoong diwa ng iskolar ng bayan ay hindi naipahayag sa araw na iyon – sa isang maingay at masikip na coliseum. Tahimik ito sa mga talaan ng kasaysayan.
(nailathala sa Philippine Collegian, issue 12)
Friday, August 22, 2008
...sa alay kay Juan dela Cruz
My heart goes out to you, Juan dela Cruz,
The Pied Piper who draws everyone near...
Bold and passionate, the dude on the streets
Crying out: "Freedom for my dear Roni!"
Kung meron man sa inyong nakakita sa aking minamahal na Juan...maari bang sabihin niyong...umuwi na siya...
Lihim kong dinadamdam...
ang iyong paglisan...
maari bang sabihin sa iyong yakapin...
yakapin mo ako...
at kung hindi mabigyan ng isang pagkakataon...
maari bang...
ipagpaliban
ang iyong
paglisan?
Sunday, August 17, 2008
...sa mga nagdidiyeta
Tandang-tanda ko pa dati, patpatin talaga akong bata. Yun bang parang buto't balat na lang talaga tapos sakitin pa 'ko--labas-masok sa ospital. Huminto nga 'ko ng isang taon eh kasi 'di ko talaga nakayanan. Everything was just too physically demanding in prep at akala pa namin, anorexia bulimia na 'yon kasi sinusuka ko na ang lahat ng kinakain ko.
Pero hindi pala.
Mahirap ang baybay at bigkas nun e. hahah
Sa murang edad ay marami na 'kong bawal kainin, bawal inumin at bawal gawin. Kaya natuto akong kumain ng gulay; yun lang ang pinapakain sa akin. Naging maayos naman lahat at nabuhay akong normal. But I never played much, never able to binge on sweets. I spent most of my time reading, writing, playing the guitar and the piano. Almost healthy, but not quite.
Lumaki ako, syempre, at nalaman kong bihira lang ang aking kondisyon. But with the help of my friends, I was able to accept everything with grace. Nakapag-angkop ako sa mga pagbabago. What I like most, is the fact that people wouldn't know I'm sick by just looking at me.
But everything I did, have done and still doing, I never considered as pagdidiyeta. More like, being health conscious. Kasi siyempre, masugid kong binabantayan lahat ng aking kinakain, lahat ng ginagawa; not because I want to be thin and lose weight, but because I have to for me to live.
That's why I feel resentment to those who want to be thin although they already are. Yun bang, di kumakain kasi ayaw nilang tumaba; yung nagdidiyeta for self-fulfillment; yun bang gustong maging "fhm cover girl material" ang katawan; yun silang biktima ng maling palatastas at adbertismo sa tv.
Hindi man lang nila naisip na may ibang taong di kasing swerte nilang nakakain ang kung anumang gusto nilang kainin kasi ipinagbabawal ng doktor. Di man lang nila naisip na may ibang taong di nakakakain tatlong beses isang araw kasi walang pambili ng pagkain.
Makasarili diba?!
Kaya heto. Para sa inyong lahat na nagdidiyeta, wag na kayong magdiyeta. Para saan pa diba? It only takes the will to accept that nobody, including you is blessed with perfection but it takes your life if you don't take care of yourself.
Take it from me. You'd never want to be stuck in my situation of having to watch what you eat forever!
Saturday, August 16, 2008
...sa mga nadarama
tao lang rin naman ako diba?
tulad mo...nagkakamali...umiiyak...tumatawa...nakakaramdam ng maraming emosyon...nagmamahal...nasasaktan...
di naman yata naiiwasan ang mga 'yon diba...
ewan ko ba pero parang kakaiba talaga ako...
iba akong umiyak...'yon bang tipong iyak na matagal natatapos...iba akong tumawa...'yon bang tipong tawa na tila nawawalan ng hininga...basta...iba talaga...
dahil ang ibang tao...tuwing nagpapamalas ng mga emosyon...laging may malalim na dahilan...
matinding kalungkutan...labis na kasiyahan...sukdulang galit...
ako...iba naman 'yong aking mga nadarama...
bumubulalas ang aking mga halakhak dahil natatawa ako sa realidad...tumatagos ang aking mga luha hindi dahil sa depresyon o kalungkutan kundi dahil sa galit...
minsan...di ko talaga naiiwasang magdamdam...
minsan...di ko na kasi talaga kaya...
mabigat ang aking mga pinapasan...
malalim ang pinagmumulan ng mga talinghagang sa aki'y bumabagabag...
walang nakaiintindi...
oo...wala...kahit si walt whitman...
sadyang ganito na nga siguro talaga ang aking tadhana...
lahat ay panandalian...sabi nila...
ngunit...hindi...
ang problemang ito'y panghabambuhay...
Friday, August 15, 2008
Una...
isa
dalawa
tatlo
lahat ng bagay ay may simula
may katapusan
may una
may huli
ito ang magiging unang sulyap ninyo sa loob ng magulo kong pag-iisip
mga talinghagang bumubulusok, dito papakawalan
dahil dito
may simula
ngunit ang pagbugso ng mga muni,
walang hangganan...
